FANDOM


Chuckberry J. PascualEdit

Si Chuckberry J. Pascual ay isang Pilipinong manunulat ng mga maikling kuwento at dula. Siya ay pinanganak at lumaki sa Malabon, laki sa lola dahil sa parehong OFW ang kanyang mga magulang. Sa kanyang paglaki, nakasanayan niya ang bahaan, mga palengkeng parating may murang seafood, at saka ang amoy ng Malabon na malansa (na siyang sabi naman ng mga hindi tagaroon). Siya ay kasalukuyang nakatira pa rin sa Malabon pero tinuturing niya din ang sarili bilang taga-Santa Rosa, Laguna.

Siya ay nagtapos ng kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman (UP) bilang cum laude sa kursong BA Malikhaing Pagsulat noong 2003, nagkamit ng MA sa Araling Pilipino (Kasaysayan at Panitikan) noong 2008, at kasalukuyang kumukuha ng PhD sa Malikhaing Pagsulat simula Abril 2009. Ilan sa mga parangal at pagkilalang kanyang natanggap ay ang pagiging fellow sa Unibersidad ng Santo Tomas, Ateneo, at UP National Writers' Workshops, at siya rin ay kasapi ng KULITI, isang lipon ng mga kabataang manunulat. Katatapos niya lang magturo ng Filipino sa klaseng regular at pandangal sa Ateneo de Manila High School.


Bata pa lang ay mahilig ng magbasa si Chuckberry J. Pascual. Nagdo-drowing siya dati ng mga sarili niyang bersyon ng komik novels sa isang buong intermediate pad. Sa kanyang paglaki ay napunta siya sa pagsusulat ng mga maikling kuwento dahil napagtanto niyang hindi siya marunong tumula. Walang partikular na estilo sa pagsulat si Chuckberry J. Pascual. Basta ang sigurado, karamihan sa kanyang mga naisulat, at iyong mga nalimbag - halos lahat sila ang protagonista ay bakla. Sinusubukan niyang tingnan ang mundo mula sa perspektibo ng mga bakla, partikular ang Pilipinong bakla na taga-Maynila at Malabon, kadalasan ay middle class.


Mga BuodEdit

RitwalEdit

Ang "Ritwal" ay tungkol sa isang pamilya at ang mga pangyayaring nagaganap isang gabi habang nanonood sila ng mga programa sa telebisyon pagkatapos nilang maghapunan. Ang kuwento ay sinalaysay sa punto de vista ni Diko, isa sa tatlong magkakapatid na lalaki sa pamilya, na may lihim na relasyon sa kanilang katulong na si Noel. Habang nanonood ng mga paboritong telenovela sa kanilang paboritong istasyon, ibinida ni Diko ang pag-ere ng isang kontrobersyal na dokumentaryo tungkol sa aparisyon ni Kristo sa mga bakla. Inabangan at pinanood ito ng ilan sa mga miyembro ng pamilya. May apat na kuwento na kabilang sa dokumentaryo: isa ay tungkol sa pagpapakita ni Kristo sa isang paring bakla, sumunod ay ang aparisyon ni Kristo sa isang parloristang bakla, pagkatapos ay ang kaparehong karanasan ng isang commercial model na di-inakalang bakla pala, at pang-huli ay ang kuwento ng isang baklang nagtratrabaho sa opisina. Isa-isang nagsitulog ang bawat miyembro ng pamilya habang lumalalim ang gabi sa kakapanood ng dokumentaryo hanggang sa ang natira na lang sa sala ay si Diko at ang bunsong kapatid nito na si Omar. Sa komprontasyong ito ay inamin ni Omar na nahuli niya si Diko at ang kanilang katulong na si Noel na nagtatalik. Matapos magimbal sa sinabi ni Omar, mabilis na pinatay ni Diko ang telebisyon at nilisan ang sala patungo sa kanyang kwarto kung saan isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap.


SangandaanEdit

Ang "Sangandaan" ay kuwento ng tatlong magkakapatid at ng kanilang mga karanasang hindi naman totoo. Nagsimula ang kuwento sa panganay na si Ding habang ito'y nagbabasa ng dyaryo at ipinagtitimpla ng kape ng katulong na naka-unipormeng asul sa kanyang bahay. Sumunod ang istorya ni Ana, ang kapatid nilang babae, na noon ay nagre-relaks at nagpapamasahe sa tatlong katulong na parehong nakasauot ng puting blusa at pantalon. Kasunod naman nito ang kuwento ng bunsong si Leon na kumakain ng pritong manok sa isang fastfood restoran at nakikipaglaro sa maskot nitong higanteng bubuyog na kulay pula. Ang tatlo ay biglang nagkitaan at nagsama sa isang bus na hindi nila alam kung saan pupunta at habang lulan nito ay pinag-uusapan nila ang tungkol sa malaki at bago nilang bahay. Bumilis ang takbo ng bus at sabay-sabay silang humampas sa sandalan ng mga upuan. Sa huli ay naibunyag ang katotohanan: na panaginip lang pala ang mga nangyari, at habang sila'y tulog pa ay may nagaganap na demolisyon sa labas ng kanilang pala-palang bahay.


BerdeEdit

Ang "Berde" ay kuwento ng mga taong nakatira sa Kalye Desiderata at ang relasyon ng bawat isang tao sa kanilang kapitbahay na si Lorenzo Catriciones. Ini-imbestigahan ang pagkawala ni Lorenzo at ito'y nagdulot ng komosyon sa buong kapitbahayan. Napag-alaman na namatay si Lorenzo sa loob ng kanyang bahay at lahat ay nagsitungo sa kanyang residensya upang umusisa at makibalita. Sinalaysay ang kuwento sa pananaw ng iba't ibang tao na nakatira sa Kalye Desiderata kabilang na ang retiradong doktora na kapitbahay ni Lorenzo, ang binatang nagrarasyon ng tubig, ang lalaking nakasabay ni Lorenzo kumain ng hapunan, ang pulis na nag-iimbestiga sa kanyang pagkawala, at marami pang iba. Bawat isa ay may sariling karanasan kay Lorenzo at ang mga ito ay tumutulong sa lalong pagsisiwalat ng mga lihim at istorya ng mga tauhan sa kuwento.


Mga TauhanEdit

Ritwal Ang mga pangunahing tauhan:

Diko/Jeriku - Ang bida ng kuwento, siya ang pangalawa sa tatlong magkakapatid na lalaki. Siya ay may lihim na relasyon sa kanilang katulong sa bahay.

Omar - Ang bunso sa tatlong magkakapatid, siya ay nag-aaral sa isang Catholic school. Isang pilyong bata na may alam tungkol sa lihim na relasyon ni Diko sa kanilang katulong.

Noel - Ang katulong sa bahay at ang lihim na kasintahan ni Diko. Galing probinsya kaya't may nababakas na punto tuwing ito'y nagsasalita.

Kuya Ricky - Ang panganay sa tatlong magkakapatid na lalaki, may asawa't anak na kasamang nakatira sa kanilang bahay.

Papa - Ang ama ng magkakapatid.

Mama - Ang ina ng magkakapatid.

Mga tauhan sa dokumentaryo:

Father Paolo Samaniego - Ang baklang pari na nakakita sa aparisyon ni Kristo

Babette - Ang baklang parlorista na nakakita sa aparisyon ni Kristo

Victor Dimasalang - Ang commercial model na di-akalain ay bakla pala na may kaparehong karanasan

Melinda Carreon - Ang host ng dokumentaryo.

Emong - lalaking nakadamit pang-opisina na may kaparehong karanasan

Iba pang tauhan na nabanggit:

Ang asawa ni Kuya Ricky na siya ring hipag nila Diko at Omar.

Si Kirby, ang tatlong taong anak ni Kuya Ricky at ng kanyang asawa.

Si Father Reyes, ang school director nila Omar sa Catholic school.


SangandaanEdit

Ding - Panganay na lalaki sa tatlong magkakapatid.

Ana - Kapatid na babae, pangalawa sa tatlong magkapatid.

Leon - Bunsong kapatid na lalaki.

Aling Thelma - Ang ina ng tatlong magkakapatid.

konduktor ng bus - Laging nakangisi, kalmado at walang-pakialam.


BerdeEdit

Lorenzo Catriciones - Tinawag din na "Lorenzong Bangaw", isang tagong bakla na namatay at siyang sentro ng imbestigasyong nagaganap sa Kalye Desiderata. Kinaiinisan ng mga tao sa Kalye Desiderata dahil sa walang dinalaw at walang pinadalaw na mga kapitbahay sa tahanan nito.

Dra. Erlinda Colayco - Isang retiradong doktora, matandang babaeng lihim na nagpapaipot sa alagang asong hilaw na Aleman sa hardin ni Lorenzo Castriciones. Masama ang loob kay Lorenzo dahil sa disinteres nito sa kanyang anak na babae.

Jeff Bolima - Nagtatrabaho siya bilang delivery boy ng Liquid Dreams Mineral Water Station, naglilibot para magrasyon kundi man mangolekta ng mga walang lamang container ng tubig. Siya lamang ang pinapapasok ni Lorenzo sa loob ng bahay niya.

Romano Villaver - Lihim na nagmamahal kay Lorenzo, nakilala ang kanyang "tunay na sarili" isang gabing nakasabay kumain ng hapunan si Lorenzo sa kantinang walang bubong.

Loreta Navarro - Ang tindera sa kantinang walang bubong. Magiging lihim na magkasintahan ni Jeff Bolima sa hinaharap.

Myrna - Anak na babae ni Erlinda Colayco, malapit ng magkuwarenta anyos, hindi pa nagkakaroon ng kasintahan, mangani-nganing sabihing birhen pa at wala kahit anong uri ng sexual na karanasan. Gustong ipakilala ni Erlinda kay Lorenzo.

Ruben Prudencio - Ang pulis na namumuno sa imbestigasyon ng pagkawala at pagkamatay ni Lorenzo Catriciones.

Agapito at Clarita delos Santos - Mag-asawang baog, na orihinal nagmamay-ari ng bahay na tinutuluyan ni Lorenzo Catriciones. Karinyoso at maalalahanin sa lahat ng kapitbahay, at ilang beses na naghalinhinan sa pamumuno ng La Vida Subdivision Homeowner’s Association.

Leopoldo Canlas - Ang biyudong may-ari ng Liquid Dreams Mineral Water Station.


Mga Paksa at TemaEdit

SangandaanEdit

Mangarap - Ang panaginip ng magkakapatid ay salamin ng mga gusto nilang abutin at mangyari sa kanilang buhay. Pero dahil sa kahirapan, ito'y mananatiling panaginip lamang.

Kahirapan - Pinakapakita ito bilang salungat sa kanilang mga panaginip na marangya at magarbo. Sa panaginip na lang nila nararanasan ang kanilang mga gusto.



Wikia ni Migs Gabriento

Ad blocker interference detected!


Wikia is a free-to-use site that makes money from advertising. We have a modified experience for viewers using ad blockers

Wikia is not accessible if you’ve made further modifications. Remove the custom ad blocker rule(s) and the page will load as expected.